MANILA, Philippines — Sa 2019 FIBA World Cup sa China ay kitang-kita ang mga kakulangan ng Gilas Pilipinas sa mga big men na may magandang outside shooting.
Ayon kay national head coach Yeng Guiao, ito ang kailangan ng bansa sa pagsabak sa torneong kagaya ng World Cup.
“We just need to build and train big men who are going to be quick and make the outside shot and who can defend well,” wika ni Guiao sa panayam ng ESPN5 kamakalawa ng gabi. “So those are the requirements if you’re playing in the international stage.”
Nabigo ang Nationals ni Guiao na maduplika ang 1-4 baraha ng koponan ni mentor Chot Reyes noong 2014 sa Spain.
Sa pamamahala naman ng Pilipinas sa 2023 FIBA World Cup ay hiniling ni Guiao ang isang long-term program para sa Nationals.
Matapos palitan si Reyes noong 2018 ay iginiya ni Guiao ang Gilas Pilipinas sa fifth-place finish sa Asian Games at nakalusot sa final window ng Asian Qualifiers para makapasok sa 2019 FIBA World Cup.
Unang natalo ang Gilas Pilipinas sa Italy, 62-108, bago yumukod sa Serbia, 67-126, at Angola via overtime, 81-84, sa group stage.
Sa classification round para sa puwestong No. 17 hanggang 32 ay nabigo ang Nationals sa Tunisia, 67-86, at Iran, 75-95.
Nagsalpak sina 7-foot-2 dating NBA center Hamed Haddadi at longtime teammates Nikko Bahrami at Mohammad Jamshidi ng pinagsamang 52 points para sa mga Iranians na tumipa ng 8-of-18 shooting sa three-point area.
Pinamunuan naman ni World Cup debutant Robert Bolick ang Nationals mula sa kanyang 15 points at kumolekta si naturalized center Andray Blatche ng 12 markerts mula sa malamyang 4-of-12 fieldgoal shooting.
Ang panalo ng Iran laban sa Pilipinas at ang 86-73 paggupo ng Nigeria kontra sa China ang nagbigay sa mga Iranians at Nigerians ng tiket para sa 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Inilaan sa top Asian at African teams ang dalawang silya para sa Tokyo Olympics.
Kapwa tumapos na may 2-3 baraha ang Iran at China, ngunit hinirang na best Asian team tropa ni Haddadi nang gamitin ang tiebreak.
Kagaya ng China, maaari pa ring makapaglaro ang Pilipinas sa 2020 Tokyo Games sa pagsabak sa Olympic Qualifying.