MANILA, Philippines — Pamumunuan ni bowling great Paeng Nepomuceno ang 80 men at 43 ladies sa bakbakan para sa Bowling World Cup national title at karapatang katawanin ang Pilipinas sa international finals sa Palembang, Indonesia.
Magpapagulong si Nepomuceno at iba pang bowlers sa BWC national finals sa Sabado at Linggo sa Coronado Lanes.
Sasabak si Nepomuceno at 79 pang finalists ng 12 games sa Sabado para madetermina ang top 34 na aabante sa second round.
Sa Linggo ay 43 ladies naman sa pangunguna nina 2017 BWC international champion Krizziah Tabora at veteran Liza del Rosario ang lalarga sa 10 games kung saan ang top 34 ang papasok sa second round.
Ang matitirang 34 sa men’s category ay muling magpapagulong ng 12 games sa Setyembre 10 kasunod ang 34 ladies sa Setyembre 11 sa Superbowl.
Ang top eight bowlers sa magkabilang dibisyon ay muling sasabak sa walong games para malaman ang top four sa semifinal at final rounds sa Setyembre 13 sa Paeng’s Eastwood Bowl.
Ang iba pang inaabangan sa torneo ay sina Kenneth Chua, Benshir Layoso, Raoul Miranda, Merwin Tan, Lara Posadas Wong at Alexis Sy.