2 bronze nilangoy sa Philippine National Open
MANILA, Philippines — Nagparamdam ng lakas si Swimming Pinas standout Micaela Jasmine Mojdeh nang humataw ito ng dalawang tansong medalya sa 2019 Philippine National Open Swimming Championships na ginaganap sa New Clark City swimming pool.
Nakipagsabayan ang 13-anyos na Brent International School student sa mas matatangkad at mas matatandang karibal para masiguro ang tanso sa women’s 400m individual medley.
Nagtala si Mojdeh ng limang minuto at 16.76 segundo para sa ikatlong puwesto habang nakuha ni Xiandi Chua ang ginto matapos ilista ang 4:59.62 at pumangalawa naman si Gianna Garcia na may 5:15.92.
“I want to dedicate this to (former Philippine Swimming League president) coach Susan Papa. She was there guiding me du-ring the competition. I want to thank her and my coaches for always helping and guiding me,” ani Mojdeh.
Muling umariba si Mojdeh sa 200m butterfly makaraang magsumite ito ng 2:23.25 para hablutin ang kanyang ikalawang tansong medalya.
Nanguna sa naturang event si Kirsten Chloe Daos na may 2:18.69 habang nasikwat ni Rosalee Santa Ana ang pilak tangan ang 2:18.97.
“It’s her first time here in the Philippine National Open and we’re so proud that she was able to win bronze medals against senior swimmers. She’s the youngest in the podium during the awarding cere-mony,” pahayag ni Swimming Pinas team manager Joan Mojdeh.
Nakahirit din ng tansong medalya sina Swimming Pinas tankers Marcus De Kam, Jordan Ken Lobos at Mervien Jules Mirandilla sa kani-kanilang paboritong events.