This is it! Gilas babanggain ang European power Italy
MANILA, Philippines — Ibubuhos na ng Gilas Pilipinas ang buong lakas nito sa pagsagupa sa European power Italy sa pagsisimula ng prestihiyosong 2019 FIBA World Cup ngayong araw sa Foshan International Sports and Cultural Arena sa Foshan, China.
Nakatakda ang engkuwentro ng Pilipinas at Italy sa alas-7:30 ng gabi kung saan magiging motibasyon ng Pinoy squad ang personal na panonood ni Pa-ngulong Rodrigo Duterte.
Mapapalaban ng husto ang Gilas Pilipinas dahil armado ang Italy ng matitikas na manlalaro gaya nina NBA stars Danilo Gallinari ng Oklahoma City Thunder at Marco Belinelli ng San Antonio Spurs.
Ngunit handa na ang game plan ni Gilas Pilipinas coach Yeng Guiao.
At umaasa ito na maisasakatuparan ng kanyang tropa ang plano partikular na ang outside shooting na siyang magdadala sa kampanya ng Gilas.
“It’s a realization that eto na yung labanan, eto na talaga yung competition so you better be ready but it feels that you’re in heaven. Enjoy na lang natin talaga ito. We will just play our best, the way we know how to play basketball,” ani Guiao.
Importanteng makuha ng Gilas ang panalo upang mapalakas ang tsansa nitong makapasok sa Last 16 ng torneo.
Tanging ang dalawang mangungunang koponan lamang sa bawat grupo ang uusad sa susunod na yugto.
Kasama ng Pilipinas at Italy ang 2016 Rio Olympics silver medalist Serbia at African champion Angola sa Group D.
Kaya naman ilalabas na ng Gilas ang lahat ng armas nito para makasabay sa mga world-class teams na kasama nito.
Pagdating sa China, agad na sumalang sa ensayo ang Gilas para magamay ang venue na gagamitin sa laro.
Mas magiging inspirado ang Gilas sa presensiya ni Pres. Duterte.
- Latest