Dula, 3 pa pinantayan ang 5 ginto ni Yulo

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan -- Bago pa man ang labanan ay alam na ni swimming sensation Mark Bryan Dula na mawawalis niya ang limang events sa swimming competition ng 2019 Philippine Sports Commission-Batang Pinoy National Championships.

Kahapon ay kinumpleto ng 12-anyos na pambato ng Parañaque ang kanyang sweep matapos pamunuan ang boys’ 12-under 100-meter backstroke sa Ramon V. Mitra Sports Complex.

“Expected ko po tala-gang makukuha ko po ‘yung limang golds kasi po maganda ang naging training ko. Na-maintain ko rin po ‘yung mga time ko,” sabi ni Dula, nagsumite ng bilis na 1:08.11. “I also want to dedicate this to coach Susan (Papa).”

Nauna nang inangkin ng Grade 7 student ng Massville International School ang apat na ginto sa 50m butterfly (29.28), 200m backstroke (2:31.02), 50m backstroke (31.10) at 100m butterfly (1:04.55).

Nilangoy din nina Aubrey Tom ng Cainta, Rizal at John Alexander Talosig ng Cotabato Province ang kani-kanilang pang-limang gold medals kagaya ni archer Aldrener Igot Jr. ng Cebu City.

Inangkin ng 12-anyos na si Tom ang kanyang pang-limang gold medal nang magreyna sa girls’ 12-under 50m freestyle sa bilis na 28.93.

Idinagdag ito ng Grade 7 student ng UPIS sa kanyang mga panalo sa 100m freestyle (1:03.57), 200m Individual Medley (2:32.30), 50m backstroke (33.55) at 50m butterfly (31.41).

Nagwagi naman ang 15-anyos na si Talosig sa boys’ 13-15 400m freestyle sa tiyempong 04:20.03 para ihanay sa mga nauna niyang pinitas na ginto sa 200m freestyle (2:03.02), 400m IM (4:58.78), 200m IM (2:18.81) at 1,500m freestyle (17:27.85).

Tinudla naman ng 14-anyos na si Igot ang mga ginto sa boys’ 40m, 50m, FITA, 20m at 30m events sa archery event.

Nakahanay nina Dula, Tom,ß Talosig at Igot si Manila gymnast Karl Jahrel Eldrew Yulo, nagwagi sa vault, mushroom, parallel bar, individual all-around at floor exercise sa Cluster 2, na may limang gold me-dals.

Show comments