F2 Logistics Kampeon
MANILA, Philippines — Binasag ng F2 Logistics ang antenna ng Cignal HD Spikers sa pamamagitan ng 25-14, 25-16, 25-19 demolisyon upang angkinin ang kampeonato sa 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Hindi na hinayaan pa ng Cargo Movers na humulagpos sa kanilang kamay ang tagumpay nang magpakawala ang buong tropa ng matatalim na atake para matamis na maibalik sa kanilang palad ang korona.
Bumandera sa matikas na ratsada ng F2 Logistics si Filipino-American Kalei Mau na siyang nanguna sa opensa ng grupo habang nakatuwang nito ang beteranong sina Ara Galang, Aby Maraño at Majoy Baron para pigilan ang tangka ng Cignal.
Naging instrumento rin ang solidong tambalan nina Kim Fajardo at libero Dawn Macandili upang makabuo ng matitikas na plays para sa kanilang Cargo Movers spikers.
Winalis ng Cargo Movers ang best-of-three championship series (2-0) kung saan nagwagi rin ito sa Game 1 noong Sabado sa Smart Araneta Coliseum sa bisa ng pahirapang 25-22, 26-24, 18-25, 17-25, 15-8 desisyon.
Huling nahawakan ng F2 Logistics ang kampeonato noong 2016 All-Filipino Conference habang nagkasya lamang ito sa runner-up trophy sa mga sumunod na edisyon noong 2017 at 2018 na pinagreynahan naman ng Petron.
Sa kabuuan, mayroon nang apat na korona ang Cargo Movers sa liga sapul nang sumabak ito noong 2016.
Maliban sa kanilang dalawang All-Filipino Conference titles, nagkampeon din ang Cargo Movers sa Grand Prix noong 2017 sa pangunguna nina Venezuelan import Maria Jose Perez at American reinforcement Kennedy Bryan, at noong 2017 Invitational Conference.
Masaya si Mau na natulungan nito ang F2 na mabawi ang korona.
- Latest