PUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Philippines — Habang itinakbo ni Lheslie De Lima ang unang gintong medalya, hinirang naman si tanker Aubrey Tom bilang unang triple-gold medalists ng 2019 Philippine Sports Commission-Batang Pinoy National Championships kahapon dito.
Agad nagparamdam ang 12-anyos na si Tom ng Cainta nang kumubra ng tatlong ginto--mula sa kanyang mga panalo sa girls’ 12-under 200m Individual Medley (2:32.30), 100m freestyle (1:03.57) at 50m backstroke (33.55).
“It feels great. It’s my hard training, it just all came out today,” wika ng sixth-grader mula sa International Learning Academy sa Cainta, Rizal. “I just want to do my best and have fun.”
Nauna nang lumangoy si Tom ng limang gintong medalya (50m freestyle, 100m freestyle, 50m, butterfly, 50m backstroke at 200m individual medley) sa nakaraang 2019 Batang Pinoy Luzon Leg sa Ilagan, Isebala.
Dalawang gold (50m freestyle at 4x100m freestyle) naman ang kanyang sinikwat sa 2019 Palarong Pambansa sa Davao City.
Lumangoy din ng ginto sina Marc Bryan Dula (boys’ 50m backstroke) ng Parañaque, John Alexander Talosig (boys’ 13-15 200 IM) at Isidore Warain (boys’ 12-under 200 IM) ng Cotabato at Jaynelle Militar (girls’ 13-15 200 IM) ng Iloilo.
Sa athletics, nagsumite ang 14-anyos na si De Lima ng Camarines Sur ng tiyempong 02:22.5 sa girls’ 800-meter run upang angkinin ang unang gold medal sa nasabing national finals para sa mga atletang may edad 15-anyos pababa sa Ramon V. Mitra Sports Complex.
“Hindi ko po talaga ine-expect na mananalo ako kasi almost one month po akong hindi nakapag-trai-ning dahil sa pag-aasikaso ko sa pag-aaral ko,” sabi ng Grade 9 student ng Baao National High School.
Tinalo ni De Lima para sa ginto sina Magvrylle Matchino (02.25.00) ng Laguna at Ana Marie Eugenio (02.28.3) ng Pangasinan.
Nauna nang kumopo si De Lima ng tatlong ginto sa 800m, 1,500m at 3,000m events sa nakaraang 2019 Palarong Pambansa sa Davao City noong Abril.