Pinoy paddlers sumagwan ng 4 ginto sa Thailand tourney

MANILA, Philippines — Humakot ang Pilipinas ng apat na ginto, dalawang pilak at apat na tansong medalya sa prestihiyosong 14th IDBF World Dragon Boat Racing Championships na ginanap sa Pattaya-Rayong, Thailand.

Matapos mabigong makasungkit ng gintong medalya sa unang apat na araw ng kumpetisyon, humataw ng husto ang Pinoy paddlers sa huling dalawang araw sa 500m at 200m events.

Dinomina ng Pilipinas ang 500m Small Boat Para Dragon Division 1 Open at 500m Small Boat Para Dragon Division 2 Open para tuldukan ang pagkauhaw ng bansa sa gintong medalya.

Muling umariba ang Pinoy squad nang angkinin nito ang dalawa pang gintong medalya sa final day makaraang mamayagpag ito sa 200m Small Boat Para Dragon Division 1 Open at 200m Small Boat Para Dragon Division 2 Open.

Nauna nang nakahirit ng dalawang pilak na medalya ang Pilipinas sa 200m small boat senior open category at sa 200m small boat senior mixed events.

Nakahirit din ng apat na tanso ang Pilipinas sa 500m small boat senior open, 500m small boat senior mixed, 2000m small boat senior open at 2000m small boat senior mixed.

Nilahukan ang torneo ng mahigit 500 atleta mula sa 20 bansang mi­yembro ng International Dragon Boat Federation. 

Show comments