MANILA, Philippines — Kung mabibigyan ng pagkakataon ay handa si San Miguel import Chris McCullough na isuot ang uniporme ng Gilas Pilipinas.
Ito ang ipinahayag ng 6-foot-9 at 24-anyos na si McCullough matapos tulungan ang San Miguel sa pagkopo sa korona ng katatapos na 2019 PBA Commissioner’s Cup laban sa TNT Katropa.
“If I get naturalized, I wanna play. It’s an opportunity for me so I’d love to play,” sabi ng first round pick ng Brooklyn Nets noong 2015 NBA Draft.
Nauna nang nagpahayag ng kanyang interes ang 6-foot-9 na si McCullough na maging isang naturalized player para makapaglaro sa Nationals.
Matapos tulungan ang Beermen sa paghahari sa 2019 PBA Commissioner’s Cup ay maglalaro si McCullough sa Korean league at hangad bumalik sa NBA.
Samantala, ipaparada naman ng Tropang Texters sa darating na 2019 PBA Governor’s Cup si KJ McDaniels, ang teammate ni Terrence Jones sa Houston Rockets.
Umaasa ang koponan ni coach Bong Ravena na muli silang makakapasok sa PBA Finals ng season-ending conference sa likod ng 6’5 at 26-anyos na si McDaniels.
Naglaro si McDaniels ng limang seasons sa NBA kung saan niya isinuot ang mga uniporme ng Philadelphia 76ers, Brooklyn Nets at Rockets.
Nakatakdang sumabak ang San Miguel at TNT Katropa sa Terrific 12 East Asia Super League kasama ang Blackwater sa Macao sa Setyembre 17 hanggang 22.
Itatampok ng Tropang Texters si McDaniels at ipaparada ng Beermen si Italian League veteran Dez Wells sa nasabing torneo na may premyong $150,000.
Ang iba pang lalahok sa Terrific 12 East Asia Super League ay ang Liaoning Flying Leopards, Shenzhen Aviators at Zhejiang Guangsha Lions ng China, ang Chiba Jets, Niigata Albirex, Ryukyu Golden Kings at Utsunomiya Brex ng Japan at ang Jeonju KCC Egis at Seoul SK Knights ng Korea.
Hahatiin sila sa apat na grupo na may tig-tatlong koponan at maglalaro sa preliminaries at ang apat na tropang babandera sa kanilang mga grupo ang papasok sa semifinals patungo sa Finals.