MANILA, Philippines — Mas deserving sa No. 1 spot si eight-division world champion Manny Pacquiao sa listahan ng Greatest Boxers of All Time.
Ito ang pananaw ni da-ting world champion Erik Morales sa inilabas na listahan ng BoxRec noong nakaraang araw.
Mas naniniwala ang Mexican pug na karapat-dapat sa No. 1 si Pacquiao kumpara kay undefeated American fighter Floyd Mayweather Jr.
Sinabi ni Morales na ‘di hamak na mas maning-ning ang karera ni Pacquiao dahil mas mabibigat na boksingero ang nakalaban nito.
“Manny Pacquiao, Pacquiao has a better career on paper. He fought tougher opposition than Mayweather,” ani Morales sa panayam ng EsNews.
Kakaiba rin ang tindi ng kamao ni Pacquiao na isa sa itinuturing nitong pinakamalakas na kanyang naranasan.
Alam ni Morales ang bagsik ni Pacquiao dahil tatlong beses nitong nakasagupa ang Pinoy champion.
Sa kanilang tatlong pagkikita, dalawang beses bumagsak si Morales.
Nakuha ni Pacquiao ang 10th-round knockout win laban kay Morales noong Enero 2006 na sinundan nito ng mas matikas na third-round knockout victory noong Nobyembre 2006 sa labang parehong ginanap sa Thomas and Mack Center sa Nevada.