Laro Ngayon(FilOil Flying V Arena, San Juan City)
10 a.m. MU vs EAC (Jrs)
12 noon AU vs CSB (Jrs)
2 p.m. MU vs EAC (Srs)
4 p.m. AU vs CSB (Srs)
MANILA, Philippines — Target ng St. Benilde Blazers ang pang-limang sunod panalo sa pagharap kontra sa Arellano Chiefs ngayon sa pagpapatuloy ng Season 95 NCAA basketball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Haharapin ng pumapangalawang Blazers ang Chiefs sa alas-4 ng hapon pagkatapos ng pagtatagpo ng Mapua Cardinals at Emilio Aguinaldo Generals sa alas-2 ng hapon.
Mataas na ngayon ang tiwala ng Blazers bunga ng kanilang 77-72 panalo sa San Sebastian Stags noong Hulyo 30, kaya kumpiyansa si coach TY Tang na malampasan ang kanilang fifth place finish noong nakaraang taon sa 10-8 record.
Kung magtagumpay ang Blazers muli silang aangat sa sosyohan sa liderato kasama ang three-peat champion San Beda Red Lions na ngayon ay hawak ang malinis na 5-0 win-loss kartada.
Makakaharap naman nila ang Chiefs na galing sa 64-73 talo sa mga kamay ng Mapua noong Sabado kaya gusto ni Arellano coach Cholo Martin na bumangon agad upang kumalas sa three-way tie sa ilalim ng standing kasama ang Mapua at EAC Generals.
Sa junior’s division, magtutuos ang Mapua Red Robins at EAC Brigadiers sa alas-10 ng umaga at susundan ng laro ng Arellano Braves at CSB-LSGH Greenies sa alas-12 ng tanghali.