Ilalapit na ng TNT
MANILA, Philippines — Nagpaulan ang TNT Katropa ng 15-of-38 shooting mula sa three-point range kumpara sa 8-of-26 clip ng San Miguel sa Game Three.
Ang nasabing departamento ang muling sasandalan ng Tropang Texters laban sa Beermen para makalapit sa inaasam na korona ng 2019 PBA Commissioner’s Cup.
Sasagupain ng TNT Katropa ang San Miguel ngayong alas-6:35 ng gabi sa krusyal na Game Four ng kanilang best-of-seven championship series sa Smart Araneta Coliseum.
Kumolekta si import Terrence Jones ng 37 points, 18 rebounds, 9 assists at 5 blocks para pamunuan ang Tropang Texters sa 115-105 pagresbak sa Beermen sa Game Three noong Biyernes.
“Our defense found a rhythm and we found a comfort level out there with how they trying to play, and then offensively we started to make shots,” sabi ni active consultant Mark Dickel sa nasabing panalo.
Hangad ng TNT Katropa na makamit ang kanilang pang-walong PBA championship kung saan huli silang nakakuha nito noong 2015 Commissioner’s Cup laban sa Rain or Shine.
Nabigo naman ang San Miguel na maduplika ang kanilang 127-125 double overtime win sa Game Two noong nakaraang Miyerkules.
Sa nasabing panalo sa Game Three ay nagpakawala ang Tropang Texters ng 24-0 atake para ibasura ang itinayong 17-point lead ng Beermen sa second period.
“A little bit of panic siguro noong nakahabol sila. And then in the second half, they were able to control the game,” wika ni San Miguel coach Leo Austria.
Samantala, pinatawan ng PBA Commissioner’s Office si Jones ng multang P20,000 dahil sa pag-headbutt kay Beermen guard Chris Ross sa 5:51 minuto ng first quarter.
“We just try to move forward and win Game Four,” sabi ng 6-foot-8 na si Jones na ilang beses nang nakatirahan si Ross bukod kina Christian Standhardinger at Arwind Santos.
Ipagpapatuloy pa rin ni Ross ang panggugulo sa isip at laro ni Jones.
- Latest