MANILA, Philippines — Inaasahan ang down-the-wire battle sa paghaharap ngayon ng archrivals San Beda Red Lions at Letran Knights sa pagpapatuloy ng Season 95 NCAA basketball tournament sa Cuneta Astrodome.
Tangan ang malinis na 4-0 win-loss kartada, sasagupain ng three-peat champion Red Lions ang pumapangatlong Knights (5-1) sa alas-2 ng hapon at susundan ng pagtatagpo ng nangungulelat na Mapua Cardinals (0-5) kontra sa Arellano Chiefs (1-4) sa alas-4 ng hapon.
Magkasalo sa liderato ang Red Lions at ang St. Benilde Blazers (4-0), kaya asam ni coach Boyet Fernandez ang malaking panalo laban sa Intramuros-based Knights na galing din sa limang sunod na tagumpay para masolo ang unahan.
Sa juniors’ division, magtatagpo rin ang SBU Red Cubs at Letran Squires sa alas-12 ng tanghali at ang Mapua Red Robins kontra sa Arellano Braves sa alas-6 ng gabi.
Samantala, muling kinansela ng NCAA Management Committee (Mancom) ang nakatakdang apat na laro kahapon sa Season 95 basketball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City dahil sa masamang panahon.
Ang mga nakanselang laro ay sa pagitan ng St. Benilde Blazers laban sa Jose Rizal Heavy Bombers at ng San Sebastian Stags kontra sa Emilio Aguinaldo Generals pati na ang dalawang juniors matches ng mga nasabing koponan.
“Manila and San Juan have suspended classes in all levels today. All games today are cancelled and shall be played on a date and time to be determined later,” ani Mancom chairman Peter Cayco ng host Arellano University.