Laro Bukas(FilOil Flying V Arena, San Juan City)
4:15 p.m. F2 vs Petron
7 p.m. Generika-Ayala vs PLDT
MANILA, Philippines — Kagaya ng inaasahan, inilampaso ng Petron Blaze Spikers ang Marinerang Pilipina sa straight sets, 25-12, 25-17, 25-9 kahapon upang makamit ang pang-11th panalo sa 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference sa Muntinlupa City Sports Center.
Ipinakita nina Sisi Rondina, Bernadeth Pons, Mika Reyes, Aiza Maizo-Pontillas at Rhea Dimaculangan ang matikas na opensa at solidong depensa upang gapiin ang Lady Skippers at ibaon sa ilalim ng standing sa 0-13 win-loss kartada.
Tumapos si Rondina ng 13 puntos kabilang na ang pitong atake, apat na aces at dalawang blocks habang si Pons ay umani ng 11 atake bukod sa 14 digs sa laro.
Ang setter na si Dimaculangan ay tumulong ng 21 excelent sets at pitong puntos naman mula kay Ces Molina at anim kay Maizo-Pontillas.
“Marami pa kaming dapat ma-improve especially sa laban namin sa F2 Logistics ngayong Huwebes. Kailangan maganda ang ikot ng tao,” ani Pons.
Umangat sa sampung puntos ang kalamangan ng Blaze Spikers, 17-7 sa ikatlong set at walang sagot ang Lady Skippers nito.
Humataw pa si Rondina ng isang block at isang ace para lomobo sa 12 ang bentahe, 19-7 upang tapusin ng laro sa mahigit 66 minuto lamang.