Blaze Spikers nagpasolido sa No. 2
Laro Bukas (The Arena)
4:15pm Cignal vs Foton
7pm Generika vs Sta. Lucia
MANILA, Philippines — Dinurog ng nagdedepensang Petron ang Sta. Lucia Realty sa bisa ng 25-13, 25-10, 25-13 demolisyon upang mapatatag ang kapit sa No. 2 spot sa 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Muling bumulusok si UAAP Season 81 Most Valuable Player Sisi Rondina na bumanat ng 22 puntos mula sa 18 attacks, tatlong blocks at isang ace sa loob lamang ng tatlong sets.
“Lagi lang namin iniisip yung mga sinasabi ng coaches. Huwag maging complacent kasi yun nga hindi pa tayo nananalo, dumadaan yung game sa limang sets, tatlong sets. Kailangan naming ilabas kung ano yung itinuturo nila coach, kailangan naming mag-connect as a team para hindi masayang yung pinaghirapan namin every training,” ani Rondina.
Patuloy ang pag-angat ng Petron na nakuha ang ika-10 panalo sa 11 asignatura.
Magandang depensa ang naging sandigan ng Blaze Spikers para makagawa ng solidong plays si setter Rhea Dimaculangan na nagresulta naman sa 38 attacks ng kanilang tropa.
Malayo ito sa 16 kills lamang na nagawa ng Lady Realtors.
Bagamat nakalamang ng bahagya ang Sta. Lucia sa blocks (9-8), hindi ito sapat para dalhin ang kanilang koponan sa panalo.
Malaki pa ang nakuhang puntos ng Blaze Spikers sa service area kung saan kumana ito ng walong aces para pahirapan ang reception ng Lady Realtors.
Gaya ng dati, malaking problema ng Sta. Lucia ang errors matapos makagawa ng 21 pagkakamali.
- Latest