MANILA, Philippines — Sumuntok ang Pinoy boxers ng isang pilak at tatlong tansong medalya sa 23rd Indonesian President’s Cup na ginanap sa Labuan Bajo sa Indonesia.
Hindi pinalad si Ramel Macado na makuha ang gintong medalya nang yumuko ito kay Neeraj Swami ng India sa championship round para magkasya lamang sa pilak sa men’s light flyweight (49kg) division.
Hindi nasundan ni Macado ang impresibong first-round knockout win laban kay Gayan Indika Bandara ng Sri Lanka sa semifinals.
“Alam ko po sa sarili ko na marami pa talagang kulang at kailangang i-improve. Hindi ko nakuha yung ginto siguro hindi talaga siya para sa akin. May purpose si God kung bakit hindi ko nakuha ‘yun,” ani Macado.
Kumuha naman ng tig-iisang tanso sina Crissan Paul Diacamos sa men’s flyweight (52 kg.), Jun Milardo Ogayre sa men’s bantamweight (56 kg.) at Claudine Veloso sa women’s flyweight (48-51 kg.).