MANILA, Philippines — Dumaan muna sa butas ng karayom ang F2 Logistics bago itakas ang pahirapang 25-19, 25-27, 25-22, 18-25,15-13 desisyon laban sa Generika-Ayala upang manatiling malinis ang kanilang rekord sa 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Nagsanib-puwersa sina Filipino-American Kalei Mau, opposite hitter Kim Kianna Dy at middle blocker Aby Maraño sa huling sandali ng laro para buhatin ang Cargo Movers sa ika-10 sunod na panalo.
Nakabaon sa 7-10 ang Cargo Movers sa fifth set ngunit hindi agad sumuko ang tropa matapos magpasabog ng 6-1 run sa likod nina Mau, Dy at Ara Galang para maagaw ang bentahe sa 12-11.
Nagawa pang maitabla ng Lifesavers ang laro (12-12) mula sa off-the-block hit ni Angeli Araneta.
Subalit naging masama ang pagbaksak ni Araneta na nagtamo ng injury sa kaliwang tuhod para hindi na makabalik pa sa laro.
Isang off-speed hit ang pinakawalan ni Dy habang nakuha ni Maraño ang game-winning point mula sa running attack para dalhin ang Cargo Movers sa panalo.
Pinangunahan naman ni middle blocker Majoy Baron ang net defense ng F2 Logistics nang makalikom ito ng siyam na blocks kasama pa ang limang attacks.
“Yung Generika sobrang ganda ng floor defense at net defense nila kaya sobrang na-challenge talaga kami. (During fifth set), naging leader lang kami sa sarili namin dahil nawawala na yung leader sa amin sabi ni coach Ramil (de Jesus) kaya kami naman naging leader na kami sa La Salle before so sinimulan lang namin sa sarili namin at nakita naman yung team work ng F2 Logistics,” ani Baron.
Naramdaman din si dating MVP Dawn Macandili nang magsumite ito ng impresibong 43 excellent digs sa larong tumagal ng mahigit dalawang oras.
Lumasap ang Lifesaver ng ikalimang kabiguan para mahulog sa 6-5 baraha.