MANILA, Philippines — Napasakamay ni Nesthy Petecio ang gintong medalya sa women’s featherweight (57 kg.) division kahapon sa 2019 Thailand Open International Boxing Championship na ginanap sa Nimibutr Sports Stadium sa Bangkok, Thailand.
Naitakas ng 2014 World Championship silver medallist ang split decision win laban kay Asian Championship silver medalist Nilawan Techasuep ng Thailand para makuha ang nag-iisang gintong medalya ng Pilipinas sa torneo.
Nagkamit din si Petecio ng tumataginting na $1,500 premyo o mahigit P75,000.
Maagang naglunsad ng matikas na ratsada si Petecio nang ilatag nito ang isang solidong straight shot na tumama sa sikmura ni Techasuep dahilan upang mapaatras ang mas matangkad na Thai bet sa kalagitnaan ng first round.
Ipinagpatuloy ni Petecio ang agresibong atake nang tatlong beses itong kumunekta sa mukha ni Techasuep sa unang bahagi ng second round.
Sinundan pa ito ni Petecio ng malakas na upper cut na nagpabagal sa galaw ng Thai bet.
Naging agresibo si Techasuep sa pagsisimula ng huling kanto na sinabayan ni Petecio kung saan ilang solidong straight pa ang ibinigay nito na halos ikatumba na ng Thai fighter.