MANILA, Philippines — Alang-alang sa kaligtasan ng lahat, pinaalalahanan ng lokal na gobyerno ng Maynila ang publiko na hindi pinahihintulutan ang skateboarding at rollerblading sa paligid ng Bonifacio Shrine (Kartilya ng Katipunan).
Ito ang ipinaliwanag ni Julius Leonen, hepe ng Manila Public Information Office, Miyerkules sa media.
"Hindi naman po talaga pwede dyan sa Kartilya, for public safety and welfare din," sabi ni Leonen.
Madalas maglaro ang mga skater sa mga nasabing lugar dahil sa malawak at patag na espasyo, mga tinatalunang hagdan at kawalan ng mga kotse.
Sabi ng lokal na gobyerno, napipinsala kasi ang granite, na batong madalas gamitin bilang sahig sa mga pampublikong monumento, sa tuwing bumabagsak dito ang mga gulong at skates.
"Kapag nasira po, may possibility na yung mga next na mag-iiskateboard, o kaya naman yung mga maglalakad, at risk sila sa mga accidents. Pwede pa rin naman sila mag-skate sa area, 'wag lang mismo sa monument," dagdag niya.
"Ayaw naman natin na may mga skateboarders na maaksidente kasi bumagsak sila sa sirang granite... [M]ay designated spaces naman po for them."
Matatandaang naibalita rin kamakailan ang Bonifacio Shrine matapos makatapak ng dumi rito ni Manila Mayor Isko Moreno, dahilan para sibakin niya sa pwesto ang Police Community Precinct commander ng Lawton.
Sa kasalukuyan, may dalawang pampublikong skate parks sa Lungsod ng Maynila na pinatatakbo ng lokal na gobyerno matapos ipatayo noon ni dating Mayor Joseph Estrada.
'Yan ay ang Vitas Skate Park sa Tondo at Manila Skate Plaza sa Paco — mga lugar na libreng nagagamit nang lahat.
Paghihipit sa 'iba pang monumento'
Samantala, pinag-aaralan na rin ng Maynila kung pagbabawalan ang pag-skate sa iba pang mga shrine sa lungsod.
"May possibility na maging strict din tayo sa ibang monuments, our city engineer’s office will look into it," sabi pa Leonen, na bahagi ng PIO ni Moreno.
"Hindi lang kasi siya issue sa desecration, public safety and welfare din."
Maliban sa Maynila, kilala rin ang isa pang skate park sa Lungsod ng Makati.
Pero kaiba sa mga parke sa Maynila, naniningil naman ang Mountain Dew Skate Park na matatagpuan sa loob ng Circuit Makati.