Manny maraming puwedeng labanan
MANILA, Philippines — Sariwa pa sa tagumpay si reigning World Boxing Association super welterweight champion Manny Pacquiao.
Naitarak niya ang split decision win laban kay American Keith Thurman noong Linggo sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Ngunit ngayon pa lang ay pila na ang mga pangalan na posibleng sunod na makaharap ng Pinoy champion.
Si Pacquiao mismo ang nagpahayag na interesado siyang makalaban ang mananalo sa pagitan nina Errol Spence at Shawn Porter na nakatakda sa Setyembre 28 sa Staples Center sa Los Angeles, California.
Hawak ni Spence ang International Boxing Federation welterweight belt, habang suot ni Porter ang World Boxing Council welterweight crown.
Kinumpirma pa ni Pacquiao na personal itong manonood sa bakbakang Spence-Porter sa Amerika na magsisilbing scouting na rin sakaling matuloy ang laban.
“Yes, I will be going there to watch the fight,” wika ni Pacquiao.
Hindi rin maalis ang pangalan ni undefeated American legend Floyd Mayweather, Jr. na kasalukuyang nasa retirement stage.
Handa si Pacquiao na harapin ito sakaling magpasya si Mayweather na muling ikasa ang rematch.
“My plan this time is one fight at a time. He’s (Mayweather) in retirement and he’s enjoying his retirement. He’s inactive. If he’s willing to come back and willing to fight me, then at the time he will announce it, we can say yes,” ani Pacquiao.
Enero ang target date ni Pacquiao na magbalik sa aksyon.
Para naman kay Hall of Famer Freddie Roach, nais niyang pagtuunan muna ni Pacquiao ng pansin ang kanyang pamilya kasabay ng magarbong pahinga.
Sumailalim sa matinding training camp si Pacquiao at napalaban nang husto kay Thurman.
“Manny can go away and rest and we'll think about it later on. We need to see what's out there,” ani Roach.
Aminado rin si Roach na malabo pa sa ngayon ang Pacquiao-Mayweather 2 dahil nakasalalay ang desisyon kung magbabalik-aksyon si Mayweather.
“I can't see it. Floyd's retired and his people say there is no interest. But there will be other options,” dagdag ni Roach.
Napansin niyang bahagyang napapagod si Pacquiao sa kalagitnaan ng bawat round subalit mabilis itong nakakabalik sa porma.
“I think he showed that there's plenty of boxing left in him, even if he is in his 40s. Manny never gets tired in the gym, but he got tired in the middle rounds,” wika ni Roach.
- Latest