MANILA, Philippines — Dadanak ang matinding aksyon sa pagsambulat ng unification bout nina reigning WBA regular welterweight champion Manny Pacquiao at WBA super welterweight king Keith Thurman ngayong araw sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Magkaibang misyon ang dala nina Pacquiao at Thurman sa oras na magkrus ang kanilang landas.
Hangad ni Pacquiao na maipagpatuloy ang kanyang ‘legacy’ bilang pinakamabagsik na boksingero sa mundo, habang nais ni Thurman na gumawa ng ingay upang mapabango ang umuusbong niyang pangalan at bigyang ningning ang pangalan sa boksing.
Matapos ang ilang buwan na pagod at hirap sa training, ilalabas na nina Pacquiao at Thurman ang buong puwersa nila.
Pasok sa timbang sina Pacquiao at Thurman na kapwa nagtala ng 146.5 pounds sa official weigh-in kahapon.
“I trained long and hard for this fight to continue my journey for our country, our people and for boxing. I won’t allow those days in the camp wasted by losing,” wika ni Pacquiao.
Determinado si ‘Pacman’ na mapabagsak si Thurman.
“My training team has done everything that should be done to prepare me for this fight and it is now up to me to implement the game plans and strategies my team prepared in that ring,” ani ‘Pacman’.
Kasado na ang game plan at kailangan na lamang itong maisakatuparan ni Pacquiao para makuha ang panalo.
“Napag-aralan ko nang iwasang gawin ulit ‘yung mga mali ko sa previous fights ko. We, too, change the way I train in order that I keep myself rested always. That’s why I can safely say that I’m ready, physically, mentally, spiritually and well-rested,” ani Pacquiao.
Binantaan din ni Pacquiao si Thurman na maliit lang ang ring.
“The ring is not that big for him to hide. Thurman can run but he can’t hide,” babala ni Pacquiao kay Thurman.