MANILA, Philippines — Walang iba kundi ang pamilya Pacquiao ang numero unong supporters ni reigning World Boxing Association regular welterweight king Manny Pacquiao sa pagsagupa niya kay American fighter Keith Thurman.
Nangunguna sa listahan si Jinkee Pacquiao na aminadong may kabang nararamdaman sa dibdib, ngunit tiwala siyang makukuha ng kanyang pamosong asawa ang tagumpay kontra kay Thurman.
“Nakita ko na talagang maganda ang naging training ni Manny ngayon kumpara before. Para sa ating bayan ang laban na ito at para kay Lord. Naniniwala ako na sasamahan siya ni Lord sa laban niya,” wika ni Jinkee.
Personal ding manonood ang kontrobersyal na si Mommy Dionisia na umaasang matatapos ang laban na walang anumang problema sa kalusugan ng kanyang anak.
“Idinadalangin naming lahat ang kanyang panalo at alam kong hindi kami mabibigo at mananalo siya,” ani Mommy Dionisi, hindi nilinaw kung mayroon siyang dadalhing pampasuwerte sa mismong laban.
Matatandaang nag-viral ang video ni Mommy Dionisia sa laban ni Pacquiao kontra kay Timothy Bradley, Jr. noong Abril 2014 kung saan nakita siyang nagdarasal habang nakaturo sa ring.
Napagkamalan pa siya ng ilang netizen na may isinasagawang orasyon habang nagaganap ang nasabing Pacquiao-Bradley fight.
Nagbigay din ng komento ang panganay na anak ni Pacquiao na si Jimuel na nasilayang sumasabay sa training camp ng eight-division world champion.
“I saw my dad trained even during his camp in Manila up to LA and I think he’s stronger now and faster than his previous fights. I joined him working the mitts with coach Freddie Roach at the Wild Card and I felt the power of his punches,” sabi ni Jimuel.