MANILA, Philippines — Magkakaroon ng pagtitipon para sa pagkakaisa ang Team Philippines sa Miyerkules sa Malacañang Palace ground sa Manila.
Ang nasabing okasyon ay dadaluhan ng mga National Sports Associations (NSAs) na sasabak sa 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre 30 hanggang sa Disyembre 11 sa New Clark City-Tarlac, Subic, Metro Manila at Tagaytay City, ayon kay Philippine Sports Commission chairman at Chief of Mission William “Butch” Ramirez.
Inimbitahan din sa unity gathering ang mga matataas na opisyal ng Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sea Games Organizing Committee (Phisgoc) na pinamunuan ni Taguig Rep. Alan Peter Cayetano para magpahayag sa kanilang suporta sa ikaapat na hosting ng bansa sa SEA Games.
“If we want to win as one, we should embrace a united front,’’ ani Ramirez matapos ang meeting kasama sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Sen. Bong Go, Cayetano at Presidential Spokesperson Salvador Panelo noong Huwebes sa Malacañang.
Nakatakda ang nasabing pagtitipon sa alas-10 ng umaga.
“One team, one goal. The country should come together and be united in supporting this government effort,’’ dagdag pa ni Ramirez, ang PSC chairman at Chief of Mission ng Team Philippines nang makamit ang overall crown noong 2005 Manila SEA Games.