MANILA, Philippines — Humigit-kumulang sa 2,500 jins ang mag-aagawan sa karangalan sa pagsipa ng 43d SMART/MVP Sports Foundation national championships, ang pinakamalaking annual event ng Philippine Taekwondo Association, sa Hulyo 20-21 sa SM Mall of Asia Music Hall.
Itatampok sa torneo ang mga Advance at Novice campaigners sa walong dibisyon sa Senior, Junior, Cadet at Gradeschool na lalahukan ng 400 koponan mula sa 12 PTA chapters sa iba’t ibang rehiyon kasama ang ARMM, CAR, CARAGA at NCR at lahat ng AFP branches at PNP.
Ang bawat koponan sa Olympic-style event ay may limang players at dalawang alternates.
Makikita rin sa aksyon ang mga miyembro ng Philippine squad para sa kani-kanilang home teams.
Gagamitin ng PTA sa torneo ang kanilang officiating system na PSS (Electronic Scoring System), Daedo at KPNP at IVR (Instant Video Replay) para mawala ang anumang human error.
Kabilang sa mga lalahok ay ang mga tropa ng Central Gymnasium, DLSU, CSB, Ateneo, UST, UP, UE, FEU, LSGH, San Beda College, UP Diliman, DPS, DLSZ, Arellano, Las Piñas, Cebu, Iloilo, Bacolod, Baguio, Philippine Navy, Philippine Air Force, Philippine Army at PNP.
Magsisimula ang mga elimination bouts sa alas-9 ng umaga sa Hulyo 20 at ang opening ceremony ay sa ala-1 ng hapon sa Hulyo 21 tampok ang pagpapakitang-gilas ng Philippine Demonstration Team.