Laro Ngayon (The Arena)
2 p.m. PacificTown Army vs BanKo-Perlas (for third)
4 p.m. Creamline vs PetroGazz (for title)
MANILA, Philippines — Ibubuhos na ng nagdedepensang Creamline ang buong puwersa nito laban sa PetroGazz upang maisakatuparan ang ikatlong sunod na kampeonato sa pagsambulat ng Game 2 ng 2019 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference best-of-three championship series sa The Arena sa San Juan City.
Magpapang-abot ang Cool Smashers at Gazz Angels sa alas-4 ng hapon matapos ang awarding ceremonies ng individual awards at ng battle-for-third match ng Pacific Town-Army at BanKo Perlas sa alas-2.
Naitakas ng Cool Smashers ang 24-26, 25-16, 25-16, 25-22 panalo laban sa Gazz Angels sa Game 1 ng serye noong Miyerkules.
Ngunit inaasahan na ng Creamline na hindi ito magiging madali dahil ilalabas na ng PetroGazz ang lahat ng itinatago nitong alas para maipuwersa ang rubber match.
“We’re thinking of the worst but we’re also thinking of the best for our team. The best is to win Game Two, so that would be our focus,” ani Creamline skipper Alyssa Valdez.
Maliban kay Valdez, kukuha ng lakas ang Cool Smashers kina Thai Kuttika Kaewpin at Venezuelan Aleoscar Blanco kasama sina local aces Risa Sato, Michele Gumabao, Jema Galanza, Jia Morado, Kyla Atienza at Melissa Gohing.
Partikular na babantayan ng Cool Smashers sina Gazz Angels imports Wilma Salas ng Cuba at Janisa Johnson ng Amerika na top scorers ng tropa.