2 Ph Junior records binura ni Mojdeh

Nanguna sa matikas na ratsada ng Swimming Pinas si Palarong Pambansa multi-gold medallist Micaela Jasmine Mojdeh na bumasag ng dalawang Philippine national junior records.

MANILA, Philippines — Humakot ang Swimming Pinas ng 24 ginto, 15 pilak at 11 tansong medalya sa 2019 PSI Long Course Grand Prix National Championships na ginanap sa Rizal Memorial Sports Complex swimming pool sa Vito Cruz, Manila.

Nanguna sa matikas na ratsada ng Swimming Pinas si Palarong Pambansa multi-gold medallist Micaela Jasmine Mojdeh na bumasag ng dalawang Philippine national junior records.

Unang winasak ni Moj­deh ang rekord sa girls’ 13-under 200m butterfly kung saan nagtala ito ng dalawang minuto at 21.14 segundo para tabunan ang 2:22.69 na kanya ring pag-aari.

Ito ang ikalimang pina­ka­mabilis na oras sa Pilipinas sa naturang event dahilan upang mapalakas ang tsansa ni Mojdeh na makapasok sa national team na sasabak sa 2019 Southeast Asian Games.

Muling umariba si Mojdeh nang burahin nito ang Philippine record sa girls’ 13-under 100m butterfly sa pamamagitan ng 1:04.08 – mas maganda sa 1:04.74 na lumang marka.

Sa kabuuan, umani si Mojdeh ng anim na ginto, isang pilak at dalawang tansong medalya sa age-group category at dalawang ginto, tatlong pilak at isang tanso sa open category.

Si Mojdeh rin ang nakakuha ng Highest FINA Points sa girls’ 11-13 ca­tegory matapos makakuha ng 649 puntos.

Maliban kay Mojdeh, Highest FINA Points awar­dees din sina Hugh Antonio Parto at Marcus De Kam sa kani-kanilang dibisyon.

Itinanghal ang Swimming Pinas bilang runner-up sa unang pagsalang nito sa PSI Grand Prix National Finals.

Show comments