Creamline, PetroGazz unahan sa Game 1

Laro Ngayon (The Arena)

3pm BanKo vs Army

5pm Creamline vs PetroGazz

MANILA, Philippines — Mag-uunahan ang nagdedepensang Creamline at top seed PetroGazz na makalapit sa kampeonato sa paglarga ng Game 1 ng 2019 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference best-of-three championship series nga­yong hapon sa The Arena sa San Juan City.

Maghaharap ang Cool Smashers at Gazz Angels sa alas-5 ng hapon matapos ang battle-for-3rd  game ng BanKo Perlas at Pacific Town-Army sa alas-3.

Naisaayos ng Creamline at PetroGazz ang paghaharap sa finals matapos walisin ang kani-kanilang karibal sa semis.

Iginupo ng Cool Sma­shers ang Lady Troopers sa bendisyon ng 25-12, 25-18, 25-13 panalo habang nanaig naman ang Gazz Angels sa Perlas Spikers sa iskor na 25-23, 25-18, 25-17 sa larong ginanap sa Ynares Sports Center sa Antipolo noong Sabado.

Tabla ang Creamline at PetroGazz sa season na ito.

Wagi ang Gazz Angels sa first round (25-22, 26-24, 25-22) habang nanaig naman ang Cool Smashers sa second round (25-18, 21-25, 25-19, 26-24).

Ngunit ibang usapan na ang finals.

Kaya naman inaasahang mas matinding pukpukan ang masisilayan sa dalawang nangungunang koponan sa liga.

“Our second round win (against PetroGazz) was important because it gives us confidence that we can beat them. Facing a new rival in the finals is good as it only proves that we are consistent as a team, consistent in our teamwork, in our preparation and in our practices,” wika ni Creamline opposite hitter Michele Gumabao.

Sasandalan ng Creamline sina imports Kuttika Kaewpin ng Thailand at Aleoscar Blanco ng Ve­nezuela kasama sina Alyssa Valdez, Risa Sato, Jema Galanza, setter Jia Morado at  liberos Melissa Gohing at Kyla Atienza.

Show comments