MANILA, Philippines — Sa gitna ng isyu sa liderato sa Philippine Olympic Committee ay pinaalalahanan ni Philippine Sports Commission chairman William 'Butch' Ramirez ang kanyang anim na Deputy Chef De Mission na tutukan ang pangangalaga sa mga national athletes.
“Basta tayo trabaho lang. Tulungan ang mga atleta,” sabi ni Ramirez, ang Chef De Misison ng Team Philippines para sa 30th Southeast Asian Games na nakatakda sa Nobyembre.
Nakipagpulong si Ramirez sa anim niyang Deputy Chefs De Missions sa pangunguna ni Stephen Fernandez, hinirang niyang 1st Assistant.
“He will be my first alternate when I am unable to attend to an official function,” wika ni Ramirez sa dating miyembro ng national taekwondo team.
Bukod kay Fernandez, ang iba pang hinirang na Deputy CDMs ni Ramirez ay sina Philippine Rugby Football Union Secretary General Ada Milby, PSC Commissioners Celia Kiram, Arnold Agustin, Charles Maxey at Ramon Fernandez.
Sa kanilang mga nakuhang cluster assignment ay sina Milby at Agustin ang maghahati sa 19 sports sa Clark hub bukod pa sa surfing sa Pangasinan habang si Kiram ang titingin sa 16 sports sa Subic Cluster.
Sina Maxey at Ramon Fernandez ang bahala sa mga Metro Manila at South Luzon sports at si Stephen Fernandez ang tutulong kay Ramirez para sa overall monitoring at magbibigay ng suporta sa mga national teams.
Makakasama nila si Ramirez sa 2nd Chefs de Mission meeting sa Hulyo 11 na dadaluhan din ng mga CDMs ng 10 participating countries para sa 2019 SEA Games.