MANILA, Philippines — Limang medalya ang sinikwat ni International Master John Marvin Miciano, sinusuportahan ng Go for Gold, sa 20th Asean Age Group Chess Championships sa Mandalay, Myanmar.
Kinuha ng reigning Asian youth champion ang silver medal sa standard event at nakasama sina youth standouts Melito Ocsan Jr. at John Merill Jacutina sa pag-angkin sa gold medal sa blitz team event.
“Marvin has done a great job. Despite his youth, he has accomplished a lot,’’ sabi ni Go For Gold godfather Jeremy Go. “We hope that with our support, he can continue to go for gold.’’
Naglista si Miciano ng 7.5 points matapos ang nine rounds para tumapos sa second place sa ilalim ni boys standard champion IM Anh Khoi Nguyen (8.5 pts).
Pumitas din si Miciano ng bronze medal sa individual blitz at muling nasama sina Ocsan at Jacutina sa pagbulsa sa silver medal sa team rapid event.
Gagawaran si Miciano, kumuha pa ng team silver sa standard event, ng Davao City Sports Council ng Davao City Male Athlete of the Year sa So Kim Cheng Awards sa Hulyo 26.
Isa sa mga promising athletes na sinusuportahan ng Go For Gold program, nakamit ni Miciano ang kanyang national master title sa edad na 16-anyos at kinilalang FIDE Master sa sumunod na taon.
Ibinigay ng World Chess Federation kay Miciano ang IM title dahil sa kanyang paghahari sa 2018 Asian Youth U-18 Chess Championships sa Thailand.
Para makuha ang Grand Master title ay kailangang makaipon si Miciano ng tatlong GM norms at pagandahin ang kanyang FIDE rating sa 2500.