MANILA, Philippines — Walang patumpik-tumpik na idineklara kahapon ni Philippine Olympic Committee chairman Abraham ‘Bambol’ Tolentino ang kanyang pagkandidato para sa POC presidency.
“Yes, I will run for president para matapos na ito once and for all,” wika ni Tolentino, ang pangulo ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (Philcycling).
Itinakda ng POC ang isang Special Board Meeting sa Hulyo 8 kasunod ang Extraordinary General Assembly sa Hulyo 18 at ang pinakahihintay na eleksyon sa Hulyo 28.
Iniutos kamakailan ng International Olympic Committee (IOC) at Olympic Council of Asia (OCA) sa POC na kaagad resolbahan ang kanilang problema sa liderato.
“We all agree that these issues must be addressed and resolved quickly, but not in a hurry as due process still has to be followed,” nakasaad sa liham na may lagda nina IOC Olympic Solidarity director James Macleod at OCA director-general Hussain al-Musallam.
Nagbitiw si Ricky Vargas sa kanyang puwesto bilang POC president noong Hunyo 18 dahil sa reklamo ng POC Board na kinokontrol ng Philippines Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) Foundation ang paghahanda para sa 30th Asian Games na pamamahalaan ng bansa sa Nobyembre.
Si Clint Aranas ang magiging karibal ni Tolentino para sa POC presidency.”
Samantala, hinihikayat pa rin ni Tolentino sina POC first-vice president Joey Romasanta ng karatedo, treasurer Julian Camacho ng wushu at auditor Jonne Go ng canoe kayak na magbitiw na rin sa kani-kanilang posisyon.