MANILA, Philippines — Apat na miyembro ng Swimming Pinas ang magtatangkang humirit ng gintong medalya sa 11th Asean School Games na aarangkada sa Hulyo 17 hanggang 25 sa Semarang Central Java sa Indonesia.
Nangunguna sa listahan si Palarong Pambansa multi-gold medallist Micaela Jasmine Mojdeh na sasabak sa girls’ division.
Nakasungkit ng puwesto si Mojdeh sa Asean School Games matapos ang impresibong ipinamalas nito sa 2019 Palarong Pambansa na ginanap sa Davao City noong Mayo.
Nagtala si Mojdeh ng bagong Philippine national junior record sa 200m Individual Medley kung saan inirehistro nito ang 2:30.11 para tabunan ang 2:31.04 na lumang marka ni Raven Faith Alcoseba sa girls’ 13-under class.
Maliban sa 200m IM, nakahirit din si Mojdeh ng bagong PH national junior record sa 200m butterfly.
Makakasama ni Mojdeh sina Jordan Ken Lobos, John Neil Paredes at Jules Mervien Mirandilla sa delegasyon na napili ng Department of Education (DepEd) katuwang ang Philippine Sports Commission (PSC).
Si coach Virgilio De Luna – ang Philippine Swimming League (PSL) Vice President at President ng PSL Coaches Association – ang tatayong head coach ng boys’ swimming team habang si Marichi Gandioco ang hahawak sa girls’ squad.
“This year marks the biggest number of qualifiers from the Philippine Swimming League to the said games. The ASG meet is a tough race to compete in. Most of SEA Games athletes usually compete in ASG,” ani Swimming Pinas team manager Joan Mojdeh.
Maliban sa Pilipinas, lalahok din ang powerhouse Thailand at Vietnam gayundin ang Malaysia, Myanmar, Cambodia, Brunei Darussalam, Laos, Singapore at host Indonesia.