MANILA, Philippines — Bibisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) ang SOCCSKSARGEN Marlins sa kanilang 29th “Usapang Sports” ngayon sa National Press Club sa Intramuros.
Ilalahad ng Marlins, ang ika-31 koponan sa MPBL, ang kanilang tsansa sa Lakan Cup ng ligang inorganisa ni Sen. Manny Pacquiao.
Ang mga Marlins ay pamumunuan nina team owner Kevin Espinosa, manager Norm Conti at coach Biboy Simon.
Darating din sina Ballout Hoops Challenge of founder Cris Bautista, commissioner LA Tenorio at deputy commissioners Bambi Sevilla at Alvin Bartolome sa pang-alas-10 ng umagang sesyon na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, National Press Club, PAGCOR, Community Basketball Association at HG Guyabano Tea Leaf Drinks.
Tatalakayin naman nina Association of Firearms and Ammunition Dealers of the Philippines, Inc. (AFAD) president Alaric Topacio at board member Edwin Año ang kanilang mga plano para suportahan ang multiple shooting events pati na ang pagdaraos nila ng AFAD Cup.
Pag-uusapan din ang 6th Philippine international Open Memory Championship na nakatakda sa Hulyo 13-14 sa Icon Hotel North EDSA.