MANILA, Philippines — Napigilan ng Generika Ayala ang paghahabol ng Sta. Lucia Realty sa huling sandali ng laro upang kubrahin ang 25-12, 25-23, 28-26 panalo kahapon sa 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference sa Cadiz City Arena sa Negros Occidental.
Ito ang ikatlong panalo ng Lifesavers para saluhan sa ikalawang puwesto ang reigning champion Petron hawak ang magkatulad na 3-1 baraha.
“We had a strong start but we struggled in the second and third sets. Good thing was, the girls hung tough and completed those comebacks. It was good to notch our third straight win. We’re already improving so we just hope we could sustain it against Cignal,” ani Lifesavers head coach Sherwin Meneses.
Nanguna sa ratsada ng Generika Ayala si outside hitter Fiola Ceballos na bumanat ng 10 puntos – lahat galing sa attacks – habang nagrehistro naman si team captain Angeli Araneta ng siyam na puntos gayundin si Patty Orendain na nagdagdag ng walong hits.
Mainit na sinimulan ng Lifesavers ang laro para kunin ang 25-12 sa first set.
Ngunit pumalag ang Lady Realtors sa second frame nang kunin nito ang 22-19 bentahe bago pakawalan ng Lifesavers ang 6-1 run tungo sa 2-0 kalamangan sa set.
Muling nabaon ang Generika Ayala sa third set, 15-19 ngunit agad itong nakabawi partikular na sa huling bahagi ng laro para makuha ang panalo.