MANILA, Philippines — Hangad ni reigning International Boxing Federation (IBF) super flyweight champion Jerwin Ancajas na makalaban si WBC champion Juan Francisco Estrada sa isang unification bout.
“If we can get the Estrada fight that will be exciting,” sabi ng 27-anyos na si Ancajas sa PSA Forum kahapon sa Amelie Hotel-Manila.
Malakas ang loob ni Ancajas na puwede niyang talunin ang 29-anyos na si Estrada na mayroon ding mabigat na 39-3 record, 26 via knockout.
“We believe that there’s a way to beat Estrada. We can beat him,” dagdag ni Ancajas na matagumpay na naidepensa ang titulo sa pang-pitong pagkakataon matapos ang 7th round TKO ni Ryuichi Funai ng Japan noong Mayo sa Stockton, California.
Sinabi pa ni Ancajas na isa si Estrada sa tatlong boksingerong kinukunsidera ng Top Rank promotion para sa kanyang susunod na laban sa Setyembre o sa Oktubre.
Ang ibang kinukunsidera ay sina Andrew Maloney ng Australia na may record na 20-0 at si Alexandru Marin ng Romania (18-0).
“I hope I can unify the belts if I’m blessed,” pahayag ni Ancajas.
Ayon naman sa kanyang trainer na si Joven Jimenez, malalaman ang susunod na makakaharap ng Filipino champion sa susunod na linggo o sa ikalawang linggo ng kasalukuyang buwang.