Lakas, liksi at bilis ng kamao ni Pacquiao kitang-kita na
MANILA, Philippines — Nakatapos na ng dalawang linggong training camp si eight-division world champion Manny Pacquiao sa Wild Card Gym sa Los Angeles, California na nagresulta sa magandang kundisyon ng pangangatawan nito.
Kitang-kita na ang liksi, bilis at lakas ng kamao nito.
Subalit hindi pa kuntento si strength and conditioning expert Justin Fortune.
At inaasahang mas titindi pa ang pagsasanay na pagdaraanan ni reigning World Boxing Association (WBA) regular welterweight champion sa pagpasok ng third week ng training camp bago tumulak sa Las Vegas, Nevada upang doon ipagpatuloy ang huling bahagi ng paghahanda nito para sa unification bout laban kay undefeated American boxer Keith Thurman sa Hulyo 20 (Hulyo 21 sa Maynila) sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
“Manny’s already in fine shape and raring to go, but still we have to deal the next few weeks before we leave for Vegas a week before the fight,” wika ni Fortune.
Halos abot-kamay na ni Pacquiao ang perpektong kundisyon ngunit sinabi ni Fortune na wala pa ito sa kanyang peak.
Kaya’t asahan ang mas mabagsik na Pacquiao sa oras na maabot nito ang 100 porsiyentong kundisyon.
Bantay-sarado ang kalusugan ni Pacquiao upang makaiwas sa anumang aberya.
“We will do everything very carefully to ensure that negative results we fear would completely be avoided,” ani Fortune.
Tuloy ang pagsasanay ni Pacquiao sa Wild Card Gym kasama si Fortune.
Dumaan ito sa 10 rounds ng sparring habang hinarap din nito ang heavy bag sa loob ng seven rounds.
Naiwan kay Fortune ang tungkulin matapos bumalik sa Maynila si chief trainer Buboy Fernandez habang nasa out-of-town naman si Hall of Famer Freddie Roach dahil sa kani-kanilang personal na dahilan.
- Latest