Lady Troopers, Perlas Spikers patayan sa No. 3 spot

MANILA, Philippines — Magba­bakbakan ang Pacific Town-Army at BanKo Perlas para sa ikatlong silya sa semis sa huling araw ng eliminasyon ng 2019 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.

Nakatakda ang engkuwentro ng Lady Troo­pers at Perlas Spikers sa alas-2 ng hapon habang target naman ng Motolite na maipuwersa ang playoff sa semis sa pakikipagtipan sa PetroGazz sa alas-6 ng gabi.

Masisilayan din ang duwelo ng reigning champion Creamline at BaliPure sa alas-4 ng hapon.

Kung matatalo ang Motolite sa PetroGazz, awtomatikong uusad sa semis ang Pacific Town-Army at BanKo Perlas.

Taglay ng Lady Troo­pers ang 1-0 bentahe sa Perlas Spikers matapos itarak ang 25-22, 23-25, 27-29, 25-20, 15-7 panalo sa first round ng eliminasyon noong Hunyo 9.

Magkasosyo ang Pacific Town-Army at BanKo Perlas sa No. 3 tangan ang magkatulad na 4-5 marka habang nauna nang nagmartsa sa semis ang PetroGazz at Creamline na may parehong 8-1 kartada.

Tiyak na ilalabas nina imports Olena Lymareva-Flink at Jenelle Jordan ang lahat ng alas nito para buhatin ang Lady Troopers habang tutulong din sina local aces Jovelyn Gonzaga, Nene Bautista, MJ Balse-Pabayo at Honey Royse Tubino.

Hindi naman pakakabog ang Perlas Spikers na mamanduhan nina Thai import Sutadta Chuewulim at Turkish Yasemin Yildi­rim katuwang sina Nicole Tiamzon, Kathy Bersola, Dzi Gervacio, Sue Roces, Jem Ferrer, Ella de Jesus at Gizelle Tan.

Show comments