GenSan lusot sa Marikina
MANILA, Philippines — Nagsanib puwersa sina Fil-Am Mike Williams at Pamboy Raymundo upang iangat ang General Santos Warriors sa 96-89 panalo kontra sa Marikina Shoemasters at makamit ang ikalawang panalo sa 2019 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Lakandula Cup noong Martes ng gabi sa Navotas Sports Complex.
Umani ng 26 puntos, 13 rebounds, anim na assists at isang steal si Williams habang si Raymundo ay tumulong ng 21 puntos, apat na rebounds at anim na assists para palawakin sa 2-1 ang win-loss kartada ng Warriors kasunod sa kanilang 81-77 panalo sa Bulacan Kuyas noong Hunyo 20.
Bukod kay Williams at Raymundo, umiskor din ng 13 puntos si Jeramar Cabanag na may kasamang tatlong rebounds, dalawang assists at dalawang steals para ibaon ang Marikina Shoemasters sa ilalim ng standing sa South Division sa 0-3 record.
Sa iba pang laro, bumangon naman ang Quezon City Capitals matapos padapain ang Biñan City, 110-85 at umabante sa 1-1 slate sa Northern Division.
Samantala, hindi natapos ang laro ng Navotas Clutch at Rizal Heroes dahil sa “unplayable condition” ng basketball court.
Umulan ng malakas kaya naging madulas ang court hanggang sa mag-desisyon si MPBL commissioner Kenneth Duremdes na hindi na lang muna tapusin ang laro para sa kaligtasan ng mga manlalaro.
Angat ang Clucth ng 17 puntos, 56-39 ng itinigil ang laro at ipagpapatuloy na lamang ito pagkatapos ng eliminations.
- Latest