POC, PHISGOC agawan sa pamamahala sa 30th SEAG
MANILA, Philippines — Lalong lumalala ang problema sa sports dahil sa patuloy na banggaan ng Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine SEA Games Organizing Committee (Phisgoc) kung sino talaga ang dapat mamahala sa 2019 Southeast Asian Games na gaganapin dito sa Pilipinas ngayong Nobyembre 30 hanggang sa Disyembre 11.
Ipinahayag ni POC board member Clint Aranas kahapon na ang Olympic body mismo ang franchise-holder ng SEA Games ayon sa kanilang mandato na kinikilala ng SEA Games Federation Council, Olympic Council of Asia at International Olympic Committee.
Ayon kay Aranas ang POC mismo ang dapat na mamuno sa preparasyon ng SEA Games habang ang organizing body (Phisgoc) na pinamumunuan ni Alan Peter Cayetano ay isang ad hoc committee lamang sa ilalim ng rules and regulation ng POC.
“We have to take a more active role in organizing the SEA Games because that is the mandate of the Philippine Olympic Committee,” sabi ni Aranas ang presidente ng World Archery-Philippines at presidente at general manager ng GSIS.
Nagpahayag din si Taguig City Rep.-elect Cayetano na sa kanilang napagkasunduan ni dating POC president Jose Cojuangco noong 2017 ng itinayo ang Phisgoc na ang organizing body ay binigyan ng awtoridad sa pamamahala sa preparasyon, organization, management at sa pagpapatakbo sa 30th SEA Games.
Ayon pa kay Cayetano, tinanggihan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ideya na ang POC ang tanging mangangasiwa sa pamamahala ng SEAG.
Matatandaang sa gobyerno naman manggagaling ang bulk ng mga gastusin, naglaan ang nabanggit ng mahigit P5 bilyon mula sa general approriation act (GAA) at dinagdagan pa ni Pangulong Duterte ng P1 bilyon mula sa Presidential fund para masiguro ang tagumpay sa hosting ng bansa sa biennial meet.
Isa sa mga pinag-aalala ng mga National Sports Association leaders ay ang pagkakaantala sa printing ng technical handbook na siyang magiging gabay ng mga bansang sasabak sa laro,”ayon pa kay Aranas.
Ngunit, ipinaliwanag naman ni Cayetano noong Huwebes na ang technical handbook ay nasa printing process na at ito ay magagamit na bago matapos ang buwang ito.