MANILA, Philippines — Pinayuko ng Pacific Town-Army ang BaliPure sa pamamagitan ng 25-21, 25-20, 25-21 desisyon upang mapatatag ang kapit sa No. 3 spot at higit na mapalakas ang pag-asa sa semifinals ng 2019 Premier Volleyball League Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nagpakawala ang Lady Troopers ng kaliwa’t kanang matatalim na atake dahil sa impresibong playmaking skills ni Sarah Jane Gonzales na nagrehistro ng 21 excellent sets para kubrahin ng kanilang tropa ang ikaapat na panalo sa pitong laro.
“Nakinig lang kami sa instruction ni coach (Kungfu Reyes). Sinabi niya na huwag kami magre-relax kailangan happy lang kami sa loob ng court, huwag ma-rattle sa laro,” ani Gonzales na umiskor din ng limang puntos.
Sinubukan ng Water Defenders na makahirit ng fourth set matapos itala ang 19-17 bentahe sa third frame sa likod nina imports Alexandra Vajdova at Danijela Dzakovic at team captain Grace Bombita.
Ngunit agad na nakabalik sa porma ang Lady Troopers nang pamunuan nina Olena Lymareva-Flink at Jenelle Jordan ang pagresbak para makuha ang 23-20 kalamangan.
Isang middle attack pa ang pinakawalan ni Jordan kasunod ang solidong block kay Vajdova ang nagdala sa Lady Troopers sa panalo.