Bawas event sa 30th SEAG--POC
MANILA, Philippines — Ang matagumpay na hosting ng bansa sa 2019 Southeast Asian Games ang nasa isip agad ni Joey Romasanta matapos maupo bilang bagong presidente ng Philippine Olympic Committee (POC) noong Martes.
Sa pagkaka-upo pa lang ng 74-anyos na si Romasanta bilang POC chief kapalit ng nagbitiw na si Ricky Vargas, agad nagpatawag ito ng POC General Assembly ngayong Martes sa GSIS Gym sa Pasay City para sa assessment ng mga National Sports Associations (NSAs) sa kanilang preparasyon sa SEA Games.
Ang 30th SEA Games ay gaganapin dito sa Pilipinas sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11 sa New Clark City bilang main hub, Subic, Metro Manila at Tagaytay City.
Inutusan din ni Romasanta si dating POC secretary-general Steve Hontiveros sa pagpapatawag ng emergency meeting sa 11-member SEA Games Federation Council upang ipaalam ang bagong development sa Olympic body ng Pilipinas.
Ayon sa isang source, kabilang umano sa tatalakayin sa SEA Games Federation Council meeting ang planong bawasan ang bilang ng mga sports disciplines mula sa 56 na paglalabanan sa 12-day meet.
Pinag-iisipan din umano ngayon ng POC na ipagpaliban sa unang quarter sa susunod na taon ang pagdaraos sa biennial multi-event meet dahil mahigit 164 araw na lang ang natitira bago ang nakatakdang opening sa Nobyembre 30.
- Latest