MANILA, Philippines — Target ng Foton na makisalo sa liderato habang uumpisahan ng Petron ang pagdepensa sa titulo sa pagpapatuloy ng 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference na darayo ngayong araw sa Imus Sports Center sa Cavite.
Haharapin ng Foton ang Generika-Ayala sa alas-7 ng gabi kung saan pakay ng Tornadoes na saluhan ang F2 Logistics (2-0) sa unahan ng standings.
Galing ang Foton sa 17-25, 25-18, 25-16, 25-21 panalo sa Sta. Lucia Realty noong Martes.
Bida sa naturang panalo si open hitter Elaine Kasilag na kumana ng 20 puntos habang nagtulong naman sina Jaja Santiago at Dindin Manabat sa net defense para sa Tornadoes.
“I don’t want to bank too much on the Santiago sisters. This is a team sport so I told them that we’re not build a star player here, we want to make a star team,” ani Tornadoes coach Aaron Velez.
Buhay na buhay naman ang Generika-Ayala na sariwa sa 25-18, 25-15, 25-23 pananaig sa Marinerang Pilipina para umangat sa 1-1 baraha.
Hahataw para sa bataan ni Lifesavers head coach Sherwin Meneses sina Patty Orendain, Ria Meneses, Fiola Ceballos, Angeli Araneta, Jamie Lavitoria at libero Kath Arado.
Samantala, sisimulan ng Petron ang kampanya nito sa pagsagupa sa baguhang Marinerang Pilipina.
Ipaparada ng Blaze Spikers ang intact na lineup laban sa Lady Skippers sa alas-4:15 ng hapon.
Nangunguna na si reigning University Athletic Association of the Philippines Most Valuable Player Sisi Rondina sa listahan kasama sina Ces Molina, Aiza Maizo-Pontillas, Mika Reyes, Bernadeth Pons at Rhea Dimaculangan.