Laro Buka(Imus Sports Center)
4:15 pm Marinerang Pilipina vs Petron
7 pm Foton vs Generika-Ayala
MANILA, Philippines — Rumesbak ang Generika-Ayala nang ibaon nito ang mabilis na 25-18, 25-15, 25-23 panalo laban sa Marinerang Pilipina kahapon sa 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference sa The Arena sa San Juan City.
Humataw ng husto si Patty Orendain nang kumana ito ng 15 spikes, dalawang aces at isang block para dalhin ang Lifesavers sa win column tangan ang 1-1 baraha.
Mainit na pagbawi ito para sa Generika-Ayala na lumasap ng 12-25, 21-25, 17-25 kabiguan sa F2 Logistics sa opening day noong Sabado.
“Nagawa namin yung gusto namin gawin this time. Coming from a loss, gusto talaga naming bumawi. Two years na rin kami magkakasama andun na yung pride namin sa team. Yung mga errors namin last game, inayos namin this game,” ani Orendain.
Nakatuwang ni Orendain si veteran outside hitter Fiola Ceballos na gumawa rin ng ilang importanteng puntos kabilang ang game-winning down-the-line hit gayundin sina opposite spiker Angeli Araneta at middle hitter Ria Meneses.
Nakakuha ang Lifesavers ng mas maraming attacks (43) laban sa Lady Skippers (21) habang dinomina rin ng tropa ang blocking department (8-0) at umiskor ng 3-2 edge sa service area.
Nakagawa ng mas maraming errors ang Generika-Ayala (23) lalo na sa third set.
Nagawang makahabol ng Marinerang Pilipina mula sa 18-23 pagkakabaon, nakadikit ito sa 23-24.
Subalit agad na sumaklolo si Ceballos na pinakawalan ang umaatikabong atake para tuluyang iselyo ang panalo para sa Lifesavers.