NorthPort sososyo uli sa liderato vs RoS

Maghaharap ang Ba­tang Pier at Elasto Painters sa alas-4:30 na susundan ng bakbakan ng NLEX at Meralco sa alas-7 ng gabi.
Jun Mendoza

Laro Ngayon (MOA Arena)

4:30pm ROS vs NorthPort

7pm NLEX vs Meralco

MANILA, Philippines — Hangad ng NorthPort na muling sumalo sa liderato sa pagharap nito sa Rain or Shine sa pagpapatuloy ng PBA Season 44 Commissioner’s Cup ngayong hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Maghaharap ang Ba­tang Pier at Elasto Painters sa alas-4:30 na susundan ng bakbakan ng NLEX at Meralco sa alas-7 ng gabi.

Nasa solong ikalawang puwesto ang NorthPort hawak ang 5-1 marka habang nangunguna ang TNT Ka­Tropa na may 6-1 kartada.

Haharap sa matinding pagsubok ang Batang Pier dahil hindi makapaglalaro ang ilan sa mga manlalaro nito na may iniindang injury kabilang na sina Bradwyn Guinto (knee), Lervy Flores (knee), Stanley Pringle (foot), Nico Elorde (hamstring) at Jonathan Grey (knee).

“We’ll be playing only with eight players because most of my players are injured but we’ll be going out and play our best,” ani NorthPort mentor Pido Ja­rencio na sasandalan sina Prince Ibeh, Moala Tautuaa, Sean Anthony, Paolo Taha at Garvo Lanete.

Nais ng NorthPort na sundan ang kanilang 102-99 panalo sa Meralco noong Miyerkules.

Samantala, handa ang NorthPort na ibigay si injured star guard Stanley Pringle sa Barangay Ginebra kapalit ni Sol Mercado.

Target din ni Jarencio na makuha sina Jervy Cruz at Kevin Ferrer para higit na palakasin ang kanilang tropa.

Show comments