MANILA, Philippines — Dadalhin ang umaatikabong aksyon ng 2019 Premier Volleyball League Reinforced Conference sa Iloilo City ngayon tampok ang engkuwentro ng reigning champion Creamline at BanKo Perlas sa University of San Agustin gym.
Papalo ang matinding bakbakan sa pagitan ng Cool Smashers at Perlas Spikers sa alas-4 ng hapon.
Namamayagpag ang Creamline na solong okupado ang No. 2 spot bitbit ang 4-1 marka.
Matapos lumasap ng unang kabiguan, nailista ng Cool Smashers ang apat na sunod na panalo.
Laban sa Perlas Spikers, hawak ng Cool Smashers ang 1-0 bentahe sa kumperensiyang ito.
Nairehistro ng Cool Smashers ang 23-25, 25-12, 25-17, 25-23 panalo laban sa Perlas Spikers sa first round noong Hunyo 2 kung saan pumutok ng husto si Thai import Kuttika Kaewpin na may 27 markers.
Ngunit inaasahang babawi ang dalawa para maibalik sa porma ang Perlas Spikers na nahulog sa ikaapat na puwesto tangan ang 2-4 baraha.