St. Clare, CEU laglagan

Naipuwersa ng St. Clare-Virtual Reality ang do-or-die matapos iselyo ang impresibong 84-50 panalo laban sa CEU sa Game 2 noong Huwebes.
PBA images

MANILA, Philippines — Pag-aagawan ng St. Clare College-Virtual Rea­lity at Centro Escolar University ang huling silya sa finals sa paglarga ng 2019 PBA D-League best-of-three semifinals rubber match ngayong hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Nakatakda ang duwelo ng Saints at Scorpions sa alas-4 ng hapon.

Naipuwersa ng St. Clare-Virtual Reality ang do-or-die matapos iselyo ang impresibong 84-50 panalo laban sa CEU sa Game 2 noong Huwebes.

Sasandalan ni Saints head coach Jino Ma­nansala sina Malian big man Mohammad Pare at guards Joshua Fontanilla, Junjie Hallare at Irven Palencia para maitarak ang unang finals appearance ng kanilang tropa sa liga.

“It’s really our dream to make it to the finals because we never reached that yet. We will prepare well for this,” ani Manansala.

Ngunit hindi naman agad isusuko ng Scorpions ang laban.

Sa kabila ng kulang kulang na lineup, desidido si Scorpions head coach Derrick Pumaren na ilabas ang lahat ng alas para makuha ang finals berth.

Walong manlalaro lamang ang natira sa CEU matapos matuklasan na ilang players nito ang kasali sa game-fixing issue.

 Ang mananalo sa Scorpions at Saints game ang haharap sa Cignal-Ateneo de Manila University sa best-of-five championship series.

Show comments