PetroGazz itataya ang katatagan vs BaliPure

Laro Ngayon (The Arena)

3pm  PetroGazz vs BaliPure

5pm Motolite vs BanKo

MANILA, Philippines — Mapatatag ang kapit sa solong pamumuno ang puntirya ng PetroGazz sa pagsagupa nito sa BaliPure ngayong hapon sa pagpapatuloy ng 2019 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference sa The Arena sa San Juan City.

Magtutuos ang Gazz Angels at Water Defenders sa alas-3 ng hapon habang lalarga ang duwelo ng Motolite at BanKo Perlas sa alas-5.

Matatag sa unahan ang PetroGazz tangan ang malinis na 3-0 marka.

Galing ang Gazz Angels sa matikas na panalo laban sa Motolite kung saan ipinako nito ang 25-22, 25-18, 25-19 demolisyon.

Sinasandalan ng Gazz Angels sina Cuban import Wilma Salas at American wing spiker Janisa Johnson na parehong may solidong laro sa kanilang unang tatlong asignatura.

Laban sa Power Buil­ders, inilabas ni Salas ang bangis nito matapos magtala ng 25 puntos samantalang may solidong laro rin si Johnson na nagrehistro naman ng triple-double na 12 points, 12 receptions at 10 digs.

Malaki rin ang naitulong ng local players kabilang na sina middle blockers Jeanette Panaga at Cherry Rose Nunag at sina setters Djanel Cheng at Chie Saet na nagsasalitan sa playmaking chores.

 Daraan sa pagsubok ang Gazz Angels dahil gigil na makabawi ang Water Defenders na lumasap ng dalawang sunod na kabiguan para mahulog sa ilalim ng standings.

Show comments