Power Builders bibinyagan ng Lady Troopers

Laro Ngayon (The Arena)

2 p.m. BaliPure vs Banko-Perlas

4 p.m.PacificTown Army vs Motolite

MANILA, Philippines — Masisilayan sa unang pagkakataon ang Motolite na haharap sa Pacific Town-Army sa pagpapatuloy ng 2019 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.

Nakatakda ang bakbakan ng Power Builders at Lady Troopers sa alas-4 matapos ang engkuwentro ng BaliPure at BanKo Perlas Spikers sa alas-2.

Tutok ang lahat sa Motolite magpaparada ng matikas na lineup.

Babandera sa kam­panya ng Power Builders si two-time MVP Myla Pablo na isa sa pinakamalakas na outside hitters sa bansa sa kasalukuyan at tinulungan ang Pocari Sweat na masungkit ang tatlong sunod na korona sa liga.

Hahataw pa para sa tropa sina imports Edina Selimovic ng Bosnia at Channon Thompson ng Trinidad and Tobago na pareho ring nagtataglay ng malalakas na atake.

Nauna nang naka-lineup bilang reinforcement si scoring machine Gyselle Silva ng Cuba ngunit bumalik ito agad sa Italy matapos mapaulat na nagtamo ng injury habang nagsasanay kasama ang Power Builders.

Nasilayan na si Selimovic sa Pilipinas kasama ang Pocari noong 2017. Subalit nakadalawang laro lamang ito dahil sa torn hamstring.

“It’s really hurtful for me but I’m back and I hope that I’m not gonna have the same issue again. I will finish this season,” ani Selimovic.

Ipaparada rin ng Motolite sina University of the Philippines standouts Isa Molde at Diana Carlos at sina Joy Soyud at Fenela Emnas ng Adamson University.

Makakasagupa ng Power Builders ang Lady Troopers na kasalukuyang may 1-1 rekord.

Show comments