MANILA, Philippines — Mapapalaban ng husto ang Pinoy beach volley stars sa pagpalo ng prestihiyosong FIVB Beach Volleyball World Tour Boracay Open na aarangkada bukas sa White House Beach Station 1 sa Boracay Island.
Babanderahan nina Philippine Superliga beach volley champions Sisi Rondina at Bernadeth Pons ang ratsada ng Pilipinas sa women’s division.
Papalo rin sina Dij Rodriguez at Bea Tan, Jackie Estoquia at DM Demontaño, at Fiola Ceballos at Patty Orendain sa main draw.
Sasailalim sa qualifying round sina Babylove Barbon at Gen Eslapor.
Hahataw naman sa men’s division sina Philippine Air Force bets Ranran Abdilla at Jesse Lopez gayundin sina collegiate standouts James Buytrago at Krung Arbasto at Mike Abria at Jade Becaldo.
Ang koponan ng Japan at Thailand ang pinakamalakas na pares na sasabak sa torneo.
Isasabak ng Japan sina Satono Ishitsubo at Asami Shiba na naka-tanso sa Cambodia Beach Volley tournament noong nakaraang buwan.
Pasok din sa main draw sina Sakurako Fujii at Minori Kumada, at 2006 Doha Asian Games silver medalist Shinako Tanaka at Miyuki Matsumura.