MANILA, Philippines — Magarbong tinapos ng National University ang kampanya nito matapos ilampaso ang University of Perpetual Help System Dalta sa bisa ng 100-74 demolisyon kahapon sa 2019 PBA D-League sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Matikas ang inilaro ni Dave Ildefonso nang kumana ito ng 20 puntos, anim na rebounds at tatlong assists para tulungan ang Bulldogs na makuha ang ikaapat na sunod na panalo.
Nagparamdam din si John Lloyd Clemente na bumira ng 16 puntos at apat na boards, gayundin si Patrick Yu na nagtala naman ng 13 markers.
Halimaw din si Senegalese big man Issa Gaye na may double-double na 11 points at 16 rebounds kalakip ang tatlong blocks.
Tinapos ng Bulldogs ang ratsada nito sa Foundation Group bitbit ang 4-5 baraha.
Uuwi naman ang Perpetual Help tangan ang 2-7 marka.
Nanguna para sa Altas si Tonton Peralta na nagsumite ng 11 markers tampok ang apat na three-pointers.
Ito rin ang magsisilbing pabaon sa Perpetual Help na sasabak naman sa NCAA Season 95.
Sa ikalawang laro, nanaig ang Chelu Bar and Grill sa Family Mart-Enderun, 77-72 upang mapalakas ang tsansa nito sa playoffs spot sa Aspirants Group.
Umangat sa 6-3 ang Revellers para saluhan sa No. 3 spot ang Petron-Colegio de San Juan de Letran may parehong marka habang nahulog sa 1-7 ang Titans.