Kat ‘di pa tiyak kung lalaro pa sa Ateneo
MANILA, Philippines — Sa pagkawala ng mga graduating players na sina Maddie Madayag, Bea De Leon at Kim Gequillana, hangad ngayon ni coach Oliver Almadro na maglalaro pa rin ang 6’1 hitter na si Kat Tolentino para sa Ateneo Lady Eagles sa Season 82 UAAP women’s volleyball tournament.
Ayon sa 23-anyos na si Tolentino, pag-iisipan pa niya kung maglalaro pa sa huli niyang taon para sa pagdedepensa sa titulo, ngunit tiwala si Almadro na muling babalik sa susunod na taon ang Fil-Canadian na napiling Season 81 Best Opposite hitter.
“I’m praying for Kat (Tolentino) to discern well. Hindi pa kami umaabot sa semifinals, I confessed to Kat na I’m really praying for her na magkakaroon siya ng right discernment.”
Nasungkit ng Lady Eagles ang kanilang ikatlong women’s title matapos pataubin ang University of Santo Tomas Tigresses, 2-1 sa best-of-three women’s Finals ng UAAP Season 81 noong Sabado kung saan umani si Tolentino ng 15 puntos kabilang na ang 11 sa atake, dalawang blocks at dalawang aces.
Kailangan ni coach Almadro si Tolentino para mapanatili ang korona sa Katipunan-based team sa Season 82 kasama sina setters Deanna Wong at Jaja Maraguinot, libero Dani Ravena, Jules Samonte, Vanessa Gandler, Ponggay Gaston, Beatriz Raagas, Candice Gequillana, Jaycel De Los Reyes at Ayumi Farukawa.
Kahit nabigo sa taong ito, nangako naman ang 2019 Rookie of the Year na si Eya Laure na babawi sila sa susunod na taon kasama ang kanyang nakakatandang kapatid na si EJ.
“Babawi kami. Kasama ko na ang Ate EJ ko next year. Babawi kami,” sabi ng 19-anyos na si Laure.
Nagpahayag naman ng kanyang intensiyon sa muling pagbabalik para sa España-based Tigresses ang 21-anyos na si EJ Laure na nahirang din bilang Rookie of the Year noong Season 77.
- Latest